Ito ata ang unang pagkakataon na ako'y magsusulat sa linggwaheng Tagalog sa publikasyong ito. Karaniwan kasi, Ingles o Bisayang Dabaw ang aking ginagamit. Ang rason sa likod nito ay para lamang mahirapan ako sa pagsusulat dahil sa oras na ito, kung Ingles o Bisaya ang gagamitin ko, mas madali sa akin ang makapag-mura sa sobrang galit.
Mauunawaan niyo sana na hindi ako yung tipong tao na nagmumura Pero dahil sa nangyari sa akin, na-isip kong pwede pala akong pumatay ng tao. Ito po ang aking karanasan sa pagkuha ng NBI clearance at, sa paniniwala ko, ay karanasan din ng karamihan:
Lunes
Gumising ako ng 5:30 AM at tumungo sa NBI Davao City. Pagdating ko ng 6:30 AM, hindi na pala ako makakapasok dahil “quota” na ang NBI. Ibig pong sabihin, naabot na ng ahensya ang bilang ng tao na pwede nilang serbisyuhin sa araw na yun. Halata nga ito sa dami ng tao sa loob ng opisina. Ang eksena nga ay pwede mo nang maikumpera sa isang sold-out concert o sa isang lata ng sardinas.
Ako'y tumungo na lamang sa isang malapit na kainan at namangha ako sa istilo ng isang fixer. Lumapit siya sa isang babae na di talaga taga-Dabaw at nagtanong kung gusto niyang makapasok. Dahil na rin siguro hindi taga-lungsod ang babae at bumiyahe pa ng ilang oras para lamang makakuha ng NBI clearance, pumayag ito. Mabilis na kinuha ng fixer ang kanang selfon, kinausap ang isang tao (na duda ko ay kasabwat niya na taga-NBI), at sinabihan si babae na pumasok na.
Hindi na ho ako nagsumbong dahil wala rin naman akong maipapakitang ebidensya (Maingat si fixer. Tinanggal agad ang numero ng kanyang tinawagan). Ayaw ko na rin ng gulo dahil babalik pa ako kinabukasan.
Martes
Gumising ako ng 4:30 AM at ulit tumungo sa NBI. Paniniwala ko na kung makakarating ako ng 5:30 AM, ako ang unang pipila. Ngunit mali pala ako. Parehong eksena ang nadatnan ko: siksikan na sa loob at ang dami na ng taong nag-aaligid sa harap ng NBI. Ako'y nagpasyang huwag nang pumila at masasayang lang ang oras ko.
Miyerkules
Ako'y gumising ng 3:00 AM. Desidido po ako na, sa araw na yon, ako'y makakarating ng 4:30 AM. Siguradong wala pang tao dun. Ngunit ako'y mali ulit. Laking tuwa ko na sana nung nakita ko yung mga taong nakapila pa. Pero nahulog ang puso ko nung nalaman kong ang pila pala ay mahaba na at lalakad ka na ng ilang minuto para maabot yung dulo. Dun ko narinig sa isang aplikante na alas-dos pa lang ay pumipila na ang tao sa harapan. Tumungo na lamang ako sa NSO para kumuha ng birth certificate.
Huwebes
Sinabihan ako ng tatay ko na sa NBI Tagum city na lang pumila. Kaya pagsapit ng hatinggabi, tumuloy na ako sa parahan ng bus sa Ecoland. Halos dalawang oras din ang biyahe patungo sa lungsod ng Tagum at nakarating ako sa NBI ng 3:40 AM. Tuwang-tuwa na ako nun dahil nililista pala ng isang mama ang mga taong unang dumating. Kaya nilista ko ang pangalan ko sa papel ni sir. Ako ang ika-77th na aplikante ngunit wala na sa akin yun. Ang importante ay makukuha ko na ang clearance ko sa araw na yon.
Dahil inantok ako sa kahihintay, ako'y tumungo muna sa isang lodge para matulog. Inisip ko na, dahil nakalista na ako, sigurado na ang aking “tagumpay”. Ngunit mali ulit ang aking akala. Nung bumalik ako sa NBI ng 8:00 AM, nalaman ko na lamang na hindi pala nasunod yung listahan. Binale-wala. Kinuwento na lamang ng isang aplikante sa akin na nagkagulo kanina. Nagdagsaan yung mga tao sa pagbibigay ng form at binase na lamang ng taga-NBI yung kanilang mapaglilingkuran sa mga forms na nakalap.
Biyernes
Heto na. Ang huling araw ng trabaho. Umalis ako ng bahay ng hatinggabi pa rin. Tumungo muna ako sa BPI Lanang para mag-iwan ng regalo (na hanggang ngayon ay nawawala at di pa natatanggap ng inuukulan). Dumiretso na ako ng NBI Davao City ulit pero laking gulat ko na lang at nakitang ang dami na ng tao. Gulat ako dahil umuulan pa nun. Dahil sa nakita kong mirakulo, ako'y pumunta na naman sa parahan ng bus at tumungo sa NBI Tagum city. Nakarating ako ng 2:30 AM at inilista ko ang aking pangalan bilang ika-76th na aplikante.
Sa pagkakataong ito, 'di na ako umalis. Nung 5:00 AM, sinimulan kunin ng isang babae ang mga forms sa mga naka-lista na. Nung 5:30 AM, dumating ang gwardiya ng NBI at nagtanong kung nasaan na ang mga forms. Biglang nagkagulo sa labas dahil ang daming taong gustong i-abot ang kanilang mga application forms. Imbis na unahin ng gwardiya yung mga forms ng nakalista (gaya ko) ay inuna niya yung mga taong mas malapit sa kanya. Pagkatapos nun ay hinati niya sa dalawa yung nakalap: yung forms ng nagpa-rehistro sa internet at yung forms na sulat kamay ang impormasyon na nilagay.
Samakatuwid, wala palang kwenta kung nauna ka sa opisina (gaya ng iba na, sa pagkakaalam ko, 8:00 PM pa ng gabi naka-hilera na sa NBI). Wala rin palang kwenta yung pag-rehistro ko sa internet dahil 'di naman pala kami priority. Pareho lang ang pagtatrato sa mga tulad kong nag-rehistro sa internet at sa mga nagsumite ng “manual” forms.
Nung kumakain ako ng almusal, narinig ko yung isang taga-NBI na nagbibiro. Sinabi niya na mahuhuli yung mga taga-Dabaw sa pagtawag kasi gusto niyang makita ulit yung mga mukha nila. 'Di na ako umimik dahil ako ang nangangailangan, hindi siya.
Nung 8:00 AM na, sinimulan na ang proseso. Tinawag kami para magbayad. May isang pulis na dumating, kinumusta yung taga-NBI. Yun pala may bitbit na babae (anak ata) at, sa harap naming lahat, kinausap kung pwede bang mauna yung taong bitbit niya. Dahil dun, nakabayad yung babae na 'di na pumipila. Napaka-walang hiya ng pulis. Pero mas lalong walang hiya yung kinausap niyang ahente ng NBI.
Ako'y isa sa mga naunang tinawag para magbayad pero namangha ako dahil yung mga mas nahuli pa sa akin ay tinatawag na para kunan ng larawan o di kaya kunin na ang kanilang mga clearance. Ang isip ko ay baka nabaliktad yung pagkakasunod ng mga forms o baka naman totoo talaga yung narinig kong “biro” kanina.
Sa wakas, nakuha ko na rin ang aking clearance nung 1:30 PM. Pagod na ako, nagugutom, at nangangawit na rin ang paa sa kakatindig (dahil walang upuan ang NBI Tagum city para sa lahat ng aplikante). Na-isip kong pagsabihan pa yung taga-NBI pero hindi ko na nagawa kasi gusto ko nang umuwi. Kaya sinulat ko na lang dito.
Anong pwede ko pang sabihin? Unang-una, napaka-bastos nga talaga ng NBI. Ako'y limang taong nagtatrabaho na at, dahil dito, nakukumpera ko ang kanilang proseso noon at ngayon. Imbis na lumago ang kanilang serbisyo ay lumala pa ito. Gaya ko na galing sa pribadong sektor, ang dami kong pwedeng sabihin para mapaunlad ang kanilang paninilbihan. Ngunit, sa tingin ko, alam na nila yun. Alam ko rin na mahuhulog sa wala ang aking reklamo dahil kahit gaano pa ka-pangit ang serbisyo ng NBI, hinding-hindi sila mawawalan ng kliyente. Araw-araw, may pipila sa harapan nila para magbayad at kumuha ng clearance. Araw-araw, may “kita” ang ahensya.
Ito'y isang aspeto lamang ng bulok na sistema na tinatawag nating “gobyerno”. At, kahit na ayaw natin, lahat tayo ay dadaan din sa proseso ng NBI (yun ay kung wala kang kakilala o pera). Ang maipapayo ko na lamang sa mga pipila ay ito: magdasal at humingi sa Diyos ng konting pasensya at, sana nawa, hindi umitim ang paningin mo sa marararanasan mo.
Magandang araw.
No comments:
Post a Comment